PNoy Vs Kabayan |
Check out below excerpts of PNoy's speech at the 25th anniversary celebration of "TV Patrol" below:
"Noong Oktubre ng nakaraang taon, may isang reporter kayo ang nagbabalita sa NAIA 3. Ang sabi niya, sa puntong iyon, tumaas ng dalawampung porsiyento ang passenger arrivals sa paliparan. Magandang balita, at higit sa lahat, fact po iyan. Sa kabila nito, nakuha pa pong humirit ng isang anchor n’yo at ang sabi po niya, and I quote, “Nasa NAIA 3 ka kasi; kung nasa NAIA 1 ka, doon malala.” Sa loob-loob ko po, anong kinalaman ng ibinabalita sa NAIA 3 sa NAIA 1? May nagsabi po bang ayos na ayos na ang NAIA 1? Kung mayroon man ho, hindi kami. Nakaligtaan niya atang mahigit 30 anyos na ang istrukturang ito.
"Napapaisip nga po ako: ‘yung nagkomento nito, hindi ba’t anim na taon ding tumangan sa renda ng gobyerno? Sabihin na po nating minana lang din nila ang problema; ‘di hamak mas luma naman ang ipinamana nilang problema sa amin. Anim na taon ang ipinagkaloob sa kanya para tumulong sa pagsasaayos ng mismong inirereklamo niya. Pero ngayon, tayo na nga ang may bitbit na problema, tayo na nga ang tutugon dito, pero, masakit nga ho, may gana pa tayong hiritan ng nagpamana?
"Naalala ko rin po nang na-recover ng NBI ang isang banyagang bata na nakidnap. Ang ganda na po sana: Nakakuha ng tip ang awtoridad, kumilos sila, at na-recover ang bata. Masaya ang mga magulang na kapiling na muli nila ang kanilang anak; masaya ang bata na kayakap niya ang kaniyang ama’t ina; masaya ang awtoridad na maayos at matagumpay ang operasyon nila. Mukhang ang hindi lang masaya, ito nga pong anchor natin na nagawa pa uling humirit na baka raw na-set-up lang raw ang rescue operation, at binayaran lang talaga ang ransom. Kahit anong pilit ng reporter na malinaw ang operasyon; nag-surveillance ang mga taga-NBI, at talagang natiyempuhan nilang walang nakabantay sa bata, pilit pa rin po nang pilit ang anchor. Sabi nga ho ng nanonood kong kasama, “Naman.” Kami pa po mismo ang magagalak kung makakapaghain kayo ng kapirasong ebidensya ukol dito, at kung mayroon nagkamali, usigin natin ang mga nagkamali.
"May naitutulong po ba ang mga walang-basehang spekulasyon, lalo na kung lumalabas ka sa telebisyon at sinusubaybayan ng sambayanan? Kung nagbabangkaan lang tayo sa kanto, hindi problema ang mga walang-basehang patutsada. Pero kung alam mong opinion-maker ka, alam mo rin dapat na mayroon kang responsibilidad. Sana po, sa tuwing sasabihin nating, and I quote, “magandang gabi, bayan,” ay totoong hinahangad nating maging maganda ang gabi ng bayan.
"May isa pa po: Ang pagtaas-baba po kasi ng pamasahe, dumadaan sa mahabang proseso. Minabuti po nating makipag-ugnayan sa transport groups, sa pangunguna po ni Secretary Mar Roxas, upang bumuo ng kasunduang makatuwiran. Dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan, malaki ang naging gastusin ng mga tsuper sa pataas na pataas na presyo ng krudo, kaya oras na umabot ang diesel sa napagkasunduang presyo, ibibigay sa kanila ang kanilang fare hike para matulungan naman. Ngunit sang-ayon sila na kapag bumalik ang presyo’t bumaba rin ang presyo ng krudo, magkukusa rin silang ibaba ang pamasahe. Ika nila, imbes na sumobra ang tubo, bilang Pilipino ay magmamalasakit kami sa kapwa Pilipino.
"Ibinalita po ito ng field reporter ninyo. Good news po talaga: Ang risonableng mungkahi, napagbigyan; ang pamahalaan, grupo ng tsuper, nagtulungan. Panalo ang sambayanan. Ang problema, nagawa pa rin itong sundutan ng komentaryo. Matapos i-report, ang pambungad na tanong ng inyong anchor: Ano raw ba ang angal ng mga grupo sa akin po. Ang reaksyon ko, “Saan naman nanggaling ‘yun?”
"Nagkasundo-sundo na tayong tugunan ang isang problema, mayroon pang naghahanap ng angal.
"Nagkakasundo na nga, para bang gusto pa ring pag-awayin. Mahirap pong isipin na bahagi ito ng inyong job description. ‘Di po ba kung umangat ang ating kalagayan, tayo ang panalo; at kung lumubog naman ito, tayo rin naman ang talo? Bakit parang mas gusto ng iba na makita tayong lumulubog?
"Hindi ko hinihiling na kumatha kayo ng mga gawa-gawang kuwento, o pagandahin ang imahen ng gobyerno. Ang akin lang po, kung naibabalita ang mga nagaganap na krimen at trahedya, ibalita rin naman po natin sana kung paano ito naresolba. Kung inilalantad po natin ang kabulastugan; matuto naman din po sana tayong kilalanin ang mga nagagawang kabutihan. At kung may maimumungkahi kayo para lalo nating mapagbuti ang pagsisilbi sa bayan, kami po ay makikinig. Ibalanse lamang natin; tandaan na natin sa bawat sulat, sa bawat ulat, ay nag-iiwan kayo ng marka sa publiko; nakakaapekto kayo sa buhay ng kapwa Pilipino. Ang pagkiling sa negatibismo ay mag-aatras lamang sa dapat sana’y pag-usad na ng ating bayan at mga kapwa Pilipino.
"Muli, at ako po’y pagpasensyahan ninyo kung masyadong prangka nagsalita ngayong gabi. Maganda na ho siguro ‘yung totoo ang sabihin para magkaunawan tayo nang maliwanang. Muli po, binabati ko ang TV Patrol sa inyong ika-25 kaarawan. Maraming, maraming salamat po sa inyong paglilingkod sa bayan at more power po. Magandang gabi po."
No comments:
Post a Comment